Thursday, July 15, 2010

AKO DAW ANG SIMULA?!

Kung isasaing ko ba ang isanlibo’t isang gatang ng bigas,
Sasapat ba ito sa kumakalam nang sikmura ng mahihirap?
Mabubusog ba nito ang nagugutom nang utak ng Pilipinas?
O kulang parin para sa mga kaluluwang hindi lang bigas ang hanap?

Kung kakalampagin ko ba ang isanlibo’t isang kampana,
Magigising ko ba ang natutulog na isip ng madla?
Mabubuhay ko ba ang matagal nang pinatay na demokrasya?
O kulang parin para ilabas ang mga nakabulsang utak ng masa?

Kung gagawa ba ako ng isanlibo’t isang tula,
Mababago ba nito ang guhit ng aking tadhana?
Mapapalutang ko ba ang papalubog nang kalagayan ng bansa?
O kulang parin kahit isampal kong isa isa sa mukha ng tagapamahala?

Ilan pang mesa ang dudulutan ng panis na kanin?
Ilan pang kampana ang kailangang hampasin?
Ilang tula pa ang isasampal sayo,
Para magising ka, kabataang Pilipino?

No comments:

Post a Comment